Pag-aaral sa Kolehiyo Libre na sa Tagaytay
Wala ng dahilan upang hindi makapag-aral sa kolehiyo ang mga batang Tagaytay.”
Ito ang ipinahayag ni Mayor Abraham “BAMBOL” N. Tolentino sa harap ng mga magulang at mag-aaral na nagsipagtapos sa mataas na paaralan ng Tagaytay nitong nakaraang Marso.
Hinikayat ni Mayor Bambol ang mga magulang na pagsumikapang mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak at papasukin ang mga ito sa City College of Tagaytay kung saan libreng makakapag-aral ang mga ito sa darating na taong panuruan..
minungkahi rin niya na kumuha sila ng mga kursong naaangkop sa pangangailangan ng ating lungsod katulad ng Education, Hospitality Management at Tourism upang matulungan sila ng pamahalaang lokal upang mabilis na makahanap ng trabaho sa lungsod.
Samantala, isang Task Force ang kaagad binuo ni Mayor Bambol upang balangkasin ang mga alituntunin hinggil dito. Ito ay binubuo nina Mayor Bambol bilang Chairman, at members ang mga Chairman, Committee on Education, Deputy Chief of Police, Secretariat Deped District of Tagaytay.
Sa bisa ng Kautusan Blg 2010-065 na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Tagaytay, at mismong inakda ni Mayor Bambol Tolentino sa pamamagitan ng Komite ng Edukasyon, LIBRE ng makapag-aaral ng KOLEHIYO ang lahat ng mga batang mag-aaral na taga Tagaytay simula sa taong panuruan 2010-2011.
Nais ng pamahalaang lungsod na patuloy na mabigyan ng de kalidad na edukasyon at magkaroon ng maginhawang kinabukasan ang mga kabataan ng Tagaytay kung kaya’t patuloy itong gumagawa ng paraan upang maipaabot sa lahat ng kanyang mga mamamayan ang mga serbisyong katulad nito. Sa lalawigan ng Kabite, tanging ang Tagaytay lamang ang nagpapatakbo ng Kolehiyo mula sa pondo ng pamahalaang lungsod.
Itinatag ang City College of Tagaytay noong taong 2003 na may layuning magbigay ng de kalidad na edukasyon sa mababang halaga para sa mga mag-aaral ng Tagaytay at katabing mga munisipyo.
Nagsimula sa mahigit na 300 mag-aaral, at unang limang kurso, ang City College of Tagaytay ay kasalukuyang may 1,346 na mag-aaral .
Sa loob ng anim na taon, 647 mag-aaral ang nagsipagtapos dito at ang karamihan sa kanila ay natulungan ng pamahalaang lungsod upang makapasok ng trabaho.
Dahil sa panukalang libreng kolehiyo para sa mga batang Tagaytay, inaasahan na lalo pang darami ang mga mag-eenrol ngayong darating na Mayo sa City College of Tagaytay.


